Monday, 3 January 2011

PIA Dispatch - Friday, December 31, 2010

New Year’s message of His Excellency Benigno S. Aquino III President of the Philippines

Isa pong manigong Bagong Taon sa inyong lahat.

Nitong 2010, tinanglawan ng pag-asa ang ating kinabukasan. Nagawa po natin ito sa tulong ng Poong Maykapal, at sa pagkakaisa ng sambayanang Pilipino.

Noong halalan, pinili ng nakakarami ang tuwid na landas. Dumami pa ang sumanib sa atin pagkatapos ng halalan. Dumami rin ang muling nagtiwala mula sa loob at labas ng bansa. Kaya naman sa darating na taon, umaasa tayo na mas bibilis ang ating pag-usad.

Hindi pa tapos ang laban. Marami pa tayong dapat baguhin. Marami pa rin ang nagnanais na manatili ang katiwalian at maibalik tayo sa kadiliman. Kapag tayo ay sumuko, malalayo tayo sa liwanag na atin nang nasisilayan. Kaya dapat nating mas lalong paigtingin ang ating pakikiisa sa paggawa ng tama.

Kung patuloy tayong magkakaisa, magiging mas makabuluhan ang mga hakbang na magagawa natin upang sa wakas ay makamtan na natin ang ating mga pangarap.

Nawa’y ipagpatuloy niyo ang inyong pagkalinga sa ating kapwa, ang inyong pagbabayanihan at ang inyong pakikiisa sa ating pagtahak ng tuwid na landas.

Muli, isang masaganang Bagong Taon sa ating lahat! (PCOO)


Mensahe ni Benigno S. Aquino III Pangulo ng Pilipinas sa Taumbayan Ukol sa Kampanya Kontra Paputok

Mga Magulang,

Sa mga panahong ito, tumataas na naman ang mga kaso ng putol na daliri, pagkabulag, pagkalason, mga nasusugatan at nasusunugan nang dahil sa paputok at luses.

Ang malungkot dito, mas maraming mga batang sampung taong gulang pababa ang nadidisgrasya sa paggamit ng paputok, lalo na sa mga ipinagbawal na natin dahil hindi ito angkop sa ating mga pagdiriwang.

Huwag po sana nating sirain ang magandang kinabukasan ng ating mga anak. Ilayo po natin ang mga bata sa mga paputok at sa mga gumagamit nito.

Panandaliang aliw o saya po itong maaaring magdulot ng habambuhay na pinsala sa mga bata. Ang pagmamatyag natin ay bahagi ng pag-aaruga, upang maiwasan ang mga pangyayaring maaari nating pagsisisihan.

Maligayang Bagong Taon po sa ating lahat; salubungin sana natin ito nang puno ng pag-asa, at malayo sa disgrasya. (PCOO)